EDUCATION SECTOR MAKIKINABANG SA BAYANIHAN 3
TIWALA sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na maraming estudyante at guro ang makikinabang sa ipinasang House Bill 9411 o ang proposed Bayanihan to Arise As One Act.
Sa botong 238-0-1, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 3rd and final reading ang Bayanihan 3.
Kasama sa panukala ang paglalaan ng kabuuang P4.5 bilyon para sa education sector kung saan P4 bilyon ay para sa basic education at P500 miyon sa higher education.
Gayunman, aminado si Elago na hindi pa rin sapat ang alokasyon na ito bilang ayuda sa sektor ng edukasyon.
“Habang kinikilala ng mga kabataan ang bawat halaga at porma ng tulong para sa mga estudyante, guro at sa buong komunidad pang-akademiko, malinaw na nananatiling hindi sapat ang alokasyon para matulungan ang mga estudyanteng nahihirapang magpatuloy sa pag-aaral sa ilalim ng flexible learning program at para gawing posible ang ligtas na pagbubukas ng mga kampus sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Elago.
“Dapat magbigay ng ayuda para sa mga estudyante para matulungan sa mga gastusin sa paaralan. Higit sa lahat, upang maibsan na ang kalbaryo ng mga estudyante at guro, dapat maglaan ng badyet at ayuda para sa mga paaralan para maipatupad nila ang mga rekisitos na maghahanda sa mga kampus para sa ligtas na pagbubukas,” pagbibigay-diin pa niya.
Sinabi naman ni Castro na sa mga nakalipas na alokasyon ay hindi nabigyan ng sapat na pondo ang education sector.
“May pondo po ang gobyerno ngunit nagkakaroon ng misprioritization. Hindi po priority ang education sector, tulad po sa DepEd, kulang pa ang allotted fund at ngayon pa lang po popondohan ang laptops, gadgets at internet connectivity kung kailan matatapos na po ang School Year 2020-2021 at malaki na ang naabono ng mga guro kahit hindi sapat ang kanilang sahod,” paliwanag ng kongresista.