EDUCATION SECTOR DAPAT MATUTONG MABUHAY KASAMA ANG VIRUS — SENADOR
NANINIWALA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na dapat nang matuto ang education sector na mag-adjust at mabuhay kasama ang virus.
Sinabi ni Gatchalian na katulad na rin ito sa mga negosyo na dapat na ring mag-adapt sa pandemya.
Muli ring nagbabala ang senador na ang mahabang pagsasara ng mga paaralam ay posibleng maging dahilan ng problema sa pagkatuto ng mga estudyante na tiyak na magdudulot ng negatibong epekto sa mga susunod na panahon.
Samantala, hinimok ni Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines Managing Director Joseph Noel Estrada ang mga mambabatas na bigyan ng hiwalay na sukatan ang mga pribadong paaralan sa pagdedesisyon kung magsasagawa na ng face-to-face classes.
Ayon kay Estrada, may iba’t ibang resources at pasilidad ang mga pribadong paaralan tulad ng mas malawak na espasyo at open areas kaya mas madali sa kanila ang magpatupad ng health protocols.
Idinagdag pa ni Estrada na hindi pa rin nakokonsulta ng DepEd ang COCOPEA para sa pagbabalik ng face-to-face learning na para kay Senadora Nancy Binay ay hindi katanggap-tanggap.
Hinimok ni Binay ang DepEd na talakayin din ang pilot test guidelines sa mga lokal na opisyal makaraang kuwestiyunin ni Union of Local Authorities of the Philippines President Dakila Cua ang implementasyon ng dry run.
“Baka mas maganda na ngayon pa lang, dapat bini-brief na ni DepEd ‘yong mga mayor, governor… hindi iyong aabot tayo sa punto na papayagan ni presidente then i-implement mo sa baba, ayaw pala ng governor, ng mga mayor,” pahayag ni Binay.