Nation

EDUCATION PRINTING OFFICE IPINATATAYO

/ 21 December 2020

UPANG malunasan ang problema sa kakapusan ng mga libro, nais ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan III na magkaroon ng sariling printing office ang Department of Education.

Sa pagsusulong ng House Bill 4182 o ang proposed Education Printing Office Act, sinabi ni Cabochan na kailangan ng isang printing office sa ilalim ng DepEd upang mapanatili ang isang education system na tumutugon sa pangangailangan ng sambayanan.

Sinabi ni Cabochan na bibigyang prayoridad sa printing office ang original materials para sa public shools, partikular para sa grade schools.

“Through this bill, the government will have a uniform system of producing materials which is relevant and according to the needs of our schools, while at the same time saving our government resources,” pahayag ni Cabochan sa kanyang explanatory note.

Iginiit ng kongresista na sa pamamagitan ng sariling printing office, maiiwasan na rin ang paggamit ng public schools ng textbooks at iba pang materyales na puno ng mga pagkakamali.

Ito ay dahil ang bawat materyales na isasalang sa printing office ay kinakailangang dumaan sa school officials, guro at mga magulang.

Sa sandaling maging batas ang panukala, magmumula ang pondo ng itatayong printing office sa budget ng DepEd na isasama sa General Appropriations Act.