EDUCATION FUNDS SUPPORT SA ILALIM NG ‘BAYANIHAN 2’ INALMAHAN
TINAWAG ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ‘mumong ayuda’ ang pondong inilaan sa Bayanihan to Recover as One Act para sa sektor ng edukasyon.
Bahagi ito ng pagtutol ni Castro sa niratipikahang bicameral committee report para sa Bayanihan 2 Bill.
Sinabi ng kongresista na aabot lamang sa P1 bilyon ang ayuda para sa mahigit 20 milyong mag-aaral, mahigit 900,000 public school teachers, at halos 40,000 na empleyado sa sektor ng edukasyon.
“Ganito rin kasalat ang ayuda para sa State Universities and Colleges at Local Universities and Colleges at sa private education personnel,” pahayag ni Castro.
“Dati na naming nirehistro ang dahilan—kawalan ng transparency at pananagutan sa pagkainutil at kapabayaan sa Covid19 response kahit binigyan ang Pangulo ng napakalawak na emergency powers,” idinagdag pa ng kongresista.
Bukod dito, binigyang-diin ni Castro na magiging instrumento ang panukala para sa isang sisteng diktatoryal sa tabing ng malalang krisis pangkalusugan at sosyo-ekonomiko.
“Kinokondena namin sa ACT Teachers at Makabayan bloc ang paggamit sa Covid at malawak na paghihirap ng mamamayan bilang pretext o panabing upang una, bigyan ng mas malawak at mas magtatagal pang kapangyarihan ang Pangulo upang galaw-galawin ang 2020 national budget at iba pang public funds, at ikalawa, luwagan pa ang regulasyon sa mga negosyo upang bigyang-daan ang mas masahol pang paghahari ng mga piling oligarko at pandarambong sa mga rekurso ng ating bansa,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Bukod sa edukasyon, sinabi ni Castro na malinaw na hindi rin sapat ang pondo para sa medikal na solusyon dahil nasa P21 bilyon lamang ang itinabi para sa health-related responses, PPEs, isolation at quarantine facilities.
“Anumang pagkukulang—at talagang magkukulang ito—ay ipauubaya sa local governments, at ito ay hindi kakayanin ng mga malilit at mahihirap na LGUs. Paano tutugunan ang panawagang ligtas na balik-eskwela para sa lahat?” pahayag pa ni Castro.