Nation

EDUCATION EMERGENCY RELIEF PACKAGE IPINABIBIGAY SA PRIVATE SCHOOLS

/ 26 April 2021

NANAWAGAN si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago sa gobyerno na magbigay ng institutional subsidy at education emergency relief package sa mga pribadong paaralan na naapektuhan ng krisis dulot ng Covid19 pandemic.

Kabilang dito ang pondo para sa internet facilities, kasama na ang information at communication technology na magagamit sa blended llearning.

“Hindi pwede dito ang kanya-kanya at pagpapaubaya na lang ng desisyon sa kada educational institutions,” pahayag ni Elago.

Kasabay nito, muling iginiit ni Elago na napapanahon ang inihain nilang House Resolutions 1721 at 1722 na nagsusulong ng moratorium sa tuition increase at pagpapatupad ng ‘no fail’ policy.

“Long overdue na rin ang pagkakaroon ng moratorium sa tuition increases, at pagbawas ng mga bayarin ng mga estudyante at magulang,” sabi ni Elago.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na malaking tulong ang pagpapatupad ng ‘no fail’ policy upang mabigyan ng konsiderasyon at pagkakataon na makatapos at makakumpleto ng requirements ang mga estudyante na apektado ng sakit, gutom at kahirapan sa gitna ng pandemya.

Bunsod nito, umaapela ang kongresista sa House Committees on Basic Education and Culture, at Higher and Technical Education na dinggin at talakayin na ang kanilang mga resolusyon bilang tulong sa mga guro, estudyante at magulang.