EDUCATION AGENDA ILULUNSAD NG DEPED
MAGLULUNSAD ang Department of Education ng education agenda para resolbahin ang mga problemang kinakaharap sa edukasyon, partikular sa basic education.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, nakatakdang ilatag sa darating na Enero 30 ang kasalukuyang estado ng basic education sa bansa.
“This will be delivered by Vice President and Education Secretary Sara Duterte,” ani Poa.
“Parati po nating naririnig na ang daming challenges ng basic education. So, dito po iisa-isahin po natin, ilalahad natin sa publiko kung ano talaga ‘yung mga specific challenges ng basic education,” dagdag pa niya.
Bukod dito, maglulunsad din, aniya, ang kagawaran ng education agenda kung ano ang mga plano at mga inisyatibo para maresolba ang naturang mga hamon.
“Once ma-present natin ‘yung mga challenges, we want to make sure na ‘yung mga challenges na ito ay ma-a-address ng ating education agenda, for example, alam naman natin na meron tayong problema sa school facilities. So, these are the things we’re looking at, of course, supporting the teachers,” ani Poa.
Bukod sa problema sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad, tinututukan din ng kagawaran ang problema sa kurikulum at karunungang bumasa’t magsulat ng mga bata.