Nation

E-SKWELA HUBS SA BUONG BANSA ISINUSULONG

/ 18 September 2022

ITINUTULAK ni Tutok to Win Partylist Rep. Sam Verzosa ang pagtatatag ng E-Skwela hubs sa buong bansa para matulungan ang mga mahihirap na estudyante na mapagbuti pa ang e-learning.

Inihain ni Verzosa ang House Bill 4827 o ang E-Skwela Act na naglalayong magtayo ng E-Skwela hub sa bawat barangay o distrito sa bansa.

Ayon kay Verzosa, sakaling mapagtibay bilang batas ang panukala ay matutulungan ng gobyerno ang mahihirap na estudyante na magkaroon ng access sa internet.

Kasama rin dito ang mga limitado lamang ang access sa computers, printers at iba pang digital learning tools at equipments.

Sinabi ng mambabatas na noong pumutok ang pandemya, maraming estudyante ang nahirapang mag-aral dahil walang computer at internet connection.

Kaya naisipan nila na magpatayo ng mahigit 10 E-Skwela Hubs sa Maynila, Cagayan, Baguio, Camotes Islands sa Cebu kung saan maaaring pumunta dito ang mga estudyante upang makagamit ng computer at internet connection nang walang bayad.

Importante, aniya, na makatulong ang pamahalaan sa pag-aaral ng mga kabataan dahil ang edukasyon ang mag-aahon sa mga pamilya mula sa kahirapan.