E-LIBRARY IPINATATAYO SA 16 BARANGAY SA CDO CITY
ISINUSULONG ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang 16 na panukala para sa pagtatayo ng e-library sa mga barangay sa kanilang lungsod.
Sa paghahain ng House Bills 9038, 9039, 9040, 9041, 9042,9043, 9044, 9045, 9046, 9047, 9048, 9049, 9050,9051, 9052 at 9053, sinabi ni Rodriguez na nakasaad sa mga batas ang paglalagay ng karagdagang public libraries para mas maraming kabataan at residente ang mapagsilbihan.
Nais ni Rodriguez na magkaroon ng library sa mga barangay ng Agusan, Gusa, FS Catanico, Cugman, Consolacion, Camaman-an, Bugo, Balubal, Tablon, Puntod, Puerto, Nazareth, Macasandig, Macabalan, Lapasan at Indahag.
Tinukoy ng kongresista ang Republic Act 7743 na nagsasaad na dapat magkaroon ng reading centers sa bawat barangay maliban na lamang sa mga lungsod at munisipalidad na may malalaking public libraries.
Idinagdag pa ng mambabatas na alinsunod sa Local Government Code of 1991, lahat ng munisipalidad, lungsod at lalawigan ay dapat na may public library bilang bahagi ng basic services at facilities.
“Unfortunately, there is no full implementation of the provisions of law as there are still many provinces, cities, municipalities and barangays with no access to public libraries or reading centers,” pahayag pa ni Rodriguez sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na dahil magastos ang paglalagay ng public library, mas magandang alternatibo ang e-library na may tatlong sets ng computers na may access sa internet.
“This e-library can be used by the public to do research, get access to e-books and gather valuable knowledge and information,” dagdag pa niya.