E-LEARNING CENTER SA BAWAT MUNISIPALIDAD IPINATATAYO
ISINUSULONG ng dalawang kongresista ang pagtatayo ng e-learning center sa bawat munisipalidad.
Sa paghahain ng House Bill 7050 o ang proposed E-Learning Center Act of 2020, ipinaalala nina Representatives Eric Go Yap at Paolo Duterte na alinsunod sa Konstitusyon, obligasyon ng Estado na bigyang prayoridad ang edukasyon, science and technology, arts, culture at sports upang mapalakas ang nasyonalismo at makatulong sa kaunlaran ng banasa.
Binigyang-diin ng dalawang kongresista na bagama’t mapamaraan ang mga Filipino, hindi ito dahilan upang hindi na magkaroon pa ng institutional mechanisms para paunlarin ang kanilang mga buhay.
“New normal calls for the accessibility and availability of alternative modes of learning. As some already struggle with gaining access to classroom learning due to lack of resources, there will be more of those who cannot continue their education as there are additional barriers they cannot overcome easily,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.
Batay sa panukala, magtatayo ng E-Learning Center sa bawat munisipalidad at lungsod sa bansa na magsisilbing venue kung saan maaaring makagamit ng information and communication technologies ang lahat para sa pag-aaral.
“This shall benefit not just the youth, but also adults who seek to gain further knowledge and develop new skills,” dagdag pa ng mga kongresista.
Nakasaad din sa House Bill 7050 na ang bawat E-Learning Center ay magkakaroon ng printed materials tulad ng mga libro, journals, diyaryo, magazines, posters, maps at mga chart; audio-visual aids o mga media tulad ng film, television o radyo; at digital devices tulad ng desktop o portable computers at electronic blackboards na may akmang software at stable internet connection.
Magsisilbi rin ang mga E-Learning Center bilang lugar para sa stable at ligtas na wifi connection at venue para sa alternative classes, trainings, presentations, exhibits, lectures, seminars, workshops, debates at iba pang learning activities.
Ang mga lugar naman na mayroon nang E-Learning Center ay kinakailangan na lamang itong i-upgrade.
Magtutulong-tulong sa pagbuo ng E-Learning Center ang Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Public Works and Highways, National Library at mga lokal na pamahalaan.