Nation

DUTERTE: NO PA RIN SA F2F CLASSES

HINDI pa rin papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes sa bansa kahit nagsimula nang dumating ang mga bakuna laban sa Covid19.

/ 1 March 2021

HINDI pa rin papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes sa bansa kahit nagsimula nang dumating ang mga bakuna laban sa Covid19.

Sa press briefing sa Villamor Air Base sa Pasay City sa pagdating ng 600,000 doses ng Sinovac vaccine mula sa China kahapon, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi pa niya papayagan ang face-to- face classes dahil ayaw niyang malagay sa peligro ang mga mag-aaral.

Dapat aniyang maghintay pa ng deklarasyon na Covid19-free na ang bansa o maging ang mundo.

Ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag bilang tugon sa tanong kung papayagan na niya ang face-to-face classes ngayong nagsimula nang dumating sa bansa ang Covid19 vaccines.

“Not now, children in jeopardy, mahirap makipagsapalaran sa kalusugan ng kabataan,” sabi pa ng Pangulo.

Nauna nang simabi ni Duterte na hindi niya papayagan ang in-person classes hanggang walang bakuna kontra Covid19.

Samantala, sisimulan na ngayong araw, Marso 1, ang simultaneous vaccination sa anim na government hospitals.

Sa media advisory ng Philippine Information Agency, ang sabay-sabay na magsasagawa ng pagbabakuna ngayong araw ay ang UP-Philippine General Hospital, Lung Center, PNP General Hospital, Dr. Jose  N. Rodriguez  Memorial Medical Center and Sanitarium (TALA), Veterans Memorial Medical Center at Victoriano Medical Center.