Nation

DUQUE: PUBLIC SCHOOL TEACHERS ISASABAK SA PAGBABAKUNA

/ 16 January 2021

KINUMPIRMA ni Health Secretary Francisco Duque III na kasama sa binubuong vaccination team ng gobyerno ang mga public school teacher.

Gayunman, sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa Covid19 vaccination program ng gobyerno, nilinaw ni Duque na magiging boluntaryo ang pagsisilbi ng mga guro sa vaccination team.

Sa pagtatanong ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ipinaliwanag ni Duque na kasama sa magiging papel ng mga guro ang health education o pagpapaliwanag sa mga babakunahan ng magiging epekto ng bakuna, kasama na ang maaaring side effects nito at ang mga dapat gawin kung may mga hindi magandang epekto.

“This is not mandatory for teachers. Tama po kayo at madagdag ko lang pinakamaganda o angkop na kanilang gagampanan ay sa health education para mabantayan ang mga mababakunahan sa possible side effects at reporting,” paliwanag ni Duque sa pagdinig.

Idinagdag pa ni Duque na dahil boluntaryo ang pagseserbisyo ng mga guro ay wala pa silang napag-uusapan na posibleng dagdag na sahod sa mga ito.

“Dahil voluntary, wala silang matatanggap pero titingnan namin kung puwedeng magbigay.”