DUMISKARTE PARA LUMAKAS ANG INTERNET SIGNAL, MAG-UTOL NANGISAY SA KORYENTE
NAALARMA si Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon sa kalagayan ng mga estudyante na hirap na hirap sa pagsagap ng internet signal para sa kanilang online classes.
NAALARMA si Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon sa kalagayan ng mga estudyante na hirap na hirap sa pagsagap ng internet signal para sa kanilang online classes.
Ito ay makaraang makarating sa kanyang kaalaman ang ulat ng pagkamatay ng isang magkapatid sa Bohol na nakoryente habang nagkakabit ng internet signal booster para sa kanilang klase.
Sa report kay Biazon, ang magkapatid na sina Tristan Dexter Hamlag, 26, at Christian Val Hamlag, 20; residente ng Dimiao, Bohol ay namatay nang aksidenteng madikit sa electric post ang ikinakabit nilang metal antenna pole na pampabilis ng internet signal.
“It is unfortunate that it has come to this: slow internet speeds have become deadly. This tragic incident only underscores the need for faster and better internet services in the country especially since our students are relying on the internet to be able to study,” pahayag ni Biazon.
Bunsod nito, hinimok ni Biazon ang mga kasamahan sa Kongreso na talakayin na ang kanyang House Bill 38 na nagsusulong ng pagtatakda ng 10 mbps na minimum speed para sa mga broadband internet.
Nakapaloob sa proposed Faster Internet Services Act ni Biazon na mandato ng National Telecommunications Commission na obligahin ang lahat ng Internet Service Providers at Public Telecommunications Entities na magbigay ng minimum na bilis ng internet ma 10 mbps para sa lahat ng mga broadband internet access maging mobile, fixed o fixed wireless.
Sa sandaling maging batas, papatawan ng P5 milyong multa ang mga ISP at PTE na lalabag sa regulasyon.
Sa panahon ng pandemya, sinabi ni Biazon na lumakas ang demand sa internet kaya dapat ayusin ng mga telco ang kanilang serbisyo.
“The internet has become very essential in our daily living that even the United Nations General Assembly recognized access to the internet as a basic human right. In this aspect, speed is the name of the game,” pahayag pa ng mambabatas.