Nation

DTI: COLLEGE STUDENTS DAPAT NANG HASAIN SA AI

/ 6 July 2024

PARA kay Trade Secretary Alfredo Pascual, dapat nang sanayin ang mga mag-aaral lalo na sa kolehiyo sa paggamit ng artificial intelligence.

Ito, aniya, ay upang matutunan na ng mga susunod na henerasyon ang nasabing teknolohiya.

Aminado si Pascual na kulang pa ang mga eksperto sa bansa pagdating sa AI technology.

Lalo na, aniya, at nakaplano na ang Center for AI Research ng bansa kung saan kakailanganin nito ng mga empleyado at trabahante.

Paliwanag ng kalihim na bagama’t maraming highly trainable na indibidwal na maaaring magsanay sa AI sa bansa ay kulang naman ang mga may kakayahan para tumao sa opisina na nakatutok sa AI.

Giit ni Pascual, dapat simulan na ng mga kolehiyo sa bansa na magsanay ng mga estudyante sa larangan ng data science at artificial intelligence para madagdagan ang eksperto sa bansa pagdating sa AI.