Nation

DRY RUN NG FACE-TO-FACE CLASSES SUPORTADO NG LAWMAKERS

/ 16 December 2020

WELCOME development sa ilang mambabatas ang pilot implementation ng face-to-face classes sa mga low Covid-risk area sa Enero.

Kasabay ng pagpapasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte, hinimok ni Senadora Imee Marcos ang Department of Education na tukuyin na bago pa ang Pasko ang mga paghahandang dapat gawin.

“Sana i-identify bago mag-Pasko na makapaghanda sa lalong madaling panahon, mamili ng well-ventilated venues including larger auditoriums and outdoor spaces,” pahayag ni Marcos.

Bukod dito, iginiit ng senadora na dapat makakuha ng sanitation equipment for regular cleaning, dapat ding isalang sa swab test ang mga guro na magkaklase, tukuyin ang student drop-off and circulation, magtakda ng schedule at piliin na ang mahahalagang bahagi ng curriculum na ituturo sa face-to-face classes.

Umaasa naman si House Basic Education and Arts Committee Chairman Roman Romulo na magiging maayos ang koordinasyon ng DepEd at Department of Health kasama na ang mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police upang matiyak ang tagumpay ng pilot implementation.

“May mga lugar po na walang Covid19 kaya kung maayos ang pilot implementation mas ma-normalize natin ang buhay ng kabataang Filipino at matutukan ang pag-aaral nila,” pahayag ni Romulo sa The POST.

Sa panig naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, sinabi niya na marami nang mga guro, magulang at estudyante ang nais bumalik sa dating sistema.

“Nahihirapan din kasi sa internet connection, ‘yung module hirap ang parents mag-assist. Si teacher ganoon din hirap din sa connectivity at gastos din,” sabi pa ni Castro.

Binigyang-diin ng kongresista na dapat ding matiyak na maisalang sa testing ang mga guro, masiguro ng DepEd na may sanitary and water facilities sa paaralan at maipatutupad ang health protocols kasama na ang pagpapaliit ng class size na ang maximum ay 15 students per class.

Kung si ACTCIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo naman ang tatanungin, dapat simulan ang face-to-face classe sa college level.

“If and when the campuses reopen for face-to-face classes, it is probable the reopening would be gradual starting with the college level and graduate school level. Thereafter, the senior high schools, followed by the junior high schools, and lastly, the Kinder to Grade 6,” pahayag ni Tulfo.

Samantala, aprubado sa public health expert na si Dr. Tony Leachon ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa Enero 2021 subalit kailangang siguraduhin ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Sa isang interbyu sa radyo, sinabi niya na payag siyang magkaroon ng face-to-face classes sa mga low-risk area.

“Payag po ako d’yan, kaya lang gawin nating may pilot areas at tingnan natin ‘yung cases doon at tingnan din natin whether safe ‘yung mga teachers at estudyante at ang number 3, ‘yun bang eskuwelahan ay ready na sa new normal infrastructures,” sabi  niya.

Dapat din umanong handa ang mga eskuwelahan sa pagpapatupad ng health protocols tulad ng paglalagay ng social distancing cues, barrier na acrylic, at pagsasaayos sa ventilation facilities upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at estudyante.