Nation

DRUG ABUSE PREVENTION IPINATUTURO SA JUNIOR, SENIOR HIGH SCHOOL

/ 30 May 2021

ISINUSULONG nina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senador Sherwin Gatchalian ang panukala na isama sa mga asignatura sa Grades 7 hanggang 12 ang drug abuse prevention program.

Sa Senate Bill 2236 o ang proposed Drug Abuse Prevention Program in Basic Education Act, sinabi nina Sotto at Gatchalian na isa sa pinakamatinding klase ng child labor ang paggamit sa mga kabataan sa iligal na aktibidad, partikular sa paggawa at pagbebenta ng droga.

“Production and trafficking of drugs may also entice minors and the youth to use and abuse these illegal substances,” pahayag ng dalawang senador sa kanilang explanatory note.

Batay sa report ng Dangerous Drugs Board, noong 2017 at 2018, umabot na sa high school level ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

“The figures further show that regardless of the level of eductaional attainment, individuals remain vulnerable to drug abuse,” diin pa ng mga mambabatas.

Batay sa panukala, isasama ang drug abuse prevention program sa Health subject sa Grades 7 hangang 10 habang sa Grade 11 ay ituturo ito sa Physical Education and Health at sa Grade 12 ay isasama ito sa Personal Development.

Binibigyang mandato sa panukala ang Department of Education na makipagtulungan sa Department of Health, DDB at iba pang non- governmental organizations para palakasin ang implementasyon ng programa.

Bubuo rin ang DepEd, katuwang ang DDB at DOH, ng training courses para sa mga guro sa drug abuse prevention.