DROPOUTS NANGANGANIB NA DUMAMI PA — SENADOR
NANGANGAMBA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na muling mabawasan ang bilang ng mga estudyanteng mag-eenrol sa School Year 2021-2022.
NANGANGAMBA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na muling mabawasan ang bilang ng mga estudyanteng mag-eenrol sa School Year 2021-2022.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na sa ngayon ay masyado pang maaga para masabi kung mas darami ang hindi mag-eenrol sa susunod na academic year.
Ngayong Academic Year 2020-2021, inihayag ni Gatchalian na nasa apat na milyon ang hindi nag-enrol dahil sa bagong sistema ng pag-aaral habang ang iba ay kinakailangan ding tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Maaga pang sabihin ito dahil nag-uumpisa pa lang ang early registration. Pero makikita natin, itong huling school year, itong 2020-2021, makikita natin nabawasan ito ng halos na apat na milyong estudyante. Malaki ‘yan, apat na milyon. At kaya itong bagong school year, tingin ko lang baka ganoon na bilang din ang makikita natin, dahil ang sitwasyon hindi naman nagbago,” pahayag ni Gatchalian.
Nangangamba ang senador na dumami pa ang mga estudyante na pipiliin na lamang na maghanapbuhay sa halip na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral dahil sa krisis.
“‘Yun na nga ang aking kinatatakutan. Marami rito ay ‘yung mga senior high school at high school dahil nagtrabaho na lang sila so sabi nila imbes na mag-aral at hindi naman na kami puwedeng pumasok sa face-to-face eh mag-drop out na lang kami at magtrabaho na lang,” sabi ni Gatchalian.
“Ang kalaban talaga ng pag-aaral ay ang trabaho, ‘yun po ang masaklap dahil ang iba naging mas praktikal at nakikita nila mas magandang tumulong sa kanilang mga magulang na magtrabaho,” dagdag pa ng sendaor.
Samantala, muling nagpaalala ang senador sa publiko na matatapos din ang pandemya at babalik sa normal ang sitwasyon.
“Pero alam naman natin na pagtapos nitong pandemyang ito ay babalik din tayo sa normal, kailangan din nila ang kanilang diploma, kung hindi, hindi sila makakahanap ng magandang trabaho,” giit ng mambabatas.
Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na dapat paigtingin din ng gobyerno ang paghikayat sa mga magulang at mga estudyante na ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral.