DPWH BUDGET PARA SA SCHOOL BUILDINGS IPINALILIPAT SA DEPED
INIREKOMENDA nina Senador Panfilo Lacson at Senador Sherwin Gatchalian na pag-isahin na lamang ang budget para sa pagtatayo ng school buildings.
Sa hearing sa panukalang 2021 budget ng Department of Public Works and Highways, pinuna nina Lacson at Gatchalian ang magkakahiwalay pang pondo para sa pagtatayo ng mga paaralan sa ilalim ng ahensiya at ng Department of Education.
“Sa DepEd mayroon nang P12.8-B (budget sa school building para sa 2021). Bakit mayroon din sa DPWH? Lahat na lang ng school building budget ilagay na lang sa DepEd pero DPWH naman ang mag-iimplement. Hindi na magkakahiwalay pa,” pahayag ni Lacson.
“It is better to centralize it to DepEd so that construction will be more efficient and more evidence-based,” sinabi naman ni Gatchalian.
Nangako naman si DPWH Secretary Mark Villar na makikipag-ugnayan sa DepEd at magsasagawa ng kaukulang pagbabago.
“We can make necessary adjustments. That is a very sensible observation,” pahayag ni Villar.
Tinanong din ni Gatchalian si Villar sa estado ng P12 bilyong budget para sa school buildings na nakalagay sa pondo ng DepEd para ngayong taon.
Ayon sa DPWH, nai-download na sa kanila noong Hunyo ang P10 bilyong bahagi ng pondo subalit inaming wala pang nasisimulan sa mga proyekto.
Nagpahayag ng pag-aalala si Gatchalian kung magagamit ang pondo lalo pa’t sa ilalim ng 2021 proposed budget ay may hinihingi ulit ang DepEd na P12 bilyon para sa konstruksiyon at repair ng school buildings.
Nangako naman si Villar na bago matapos ang taon ay ma-o-obligate na ang pondo para sa school buildings at masisimulan na rin ang konstruksiyon bago matapos ang 2020.