DOKTOR PARA SA BAYAN ACT PAG-ASANG NAPABAYAAN
SA PAGSISIMULA ng taong 2021, buo ang paniniwala ng mga mambabatas na malaking kapakinabangan ang binalangkas nilang medical scholarship bill upang matugunan ang kakulangan sa mga doktor sa bansa sa gitna ng krisis na pinagdaraanan dulot ng Covid19.
SA PAGSISIMULA ng taong 2021, buo ang paniniwala ng mga mambabatas na malaking kapakinabangan ang binalangkas nilang medical scholarship bill upang matugunan ang kakulangan sa mga doktor sa bansa sa gitna ng krisis na pinagdaraanan dulot ng Covid19.
Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas ang Doktor Para sa Bayan Act na magkakaloob ng libreng medical education sa mga nais maging doktor.
Enero 5, 2021 nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang batas na makatutulong sa mga ‘deserving’ student’ para sa kanilang medical education and training.
Tugon ang batas sa matagal nang problema ng bansa sa kakapusan ng mga doktor dahil batay sa datos, 207 munisipalidad sa bansa ang walang mga doktor.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, ang pangunahing sponsor ng batas sa Senado, lalong nabigyang-diin ang problema sa epekto ng Covid19 pandemic kung saan maraming pasyente ang namamatay nang hindi umaabot sa ospital.
Sinabi ni Villanueva na kapos ang bansa ng 79,000 na doktor upang matiyak na matutugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng sambayanan.
Halos isang taong IRR
Gayunman, marami sa mga mambabatas ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil hindi natupad ang implementasyon ng batas para sa kanilang mga adhikain sa panahong kinakailangan ito.
Ito ay dahil inabot ng halos 10 buwan ang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11509, dahilan kaya hindi rin ito naipatupad.
Sa kabila ito ng paulit-ulit na pagkalampag ng mga senador at kongresista sa Commission on Higher Education at Department of Health na bilisan ang pagbalangkas ng IRR upang agad nang makatanggap ng mga ‘deserving student’ ng medisina.
Sa kanyang panawagan noong Hunyo, sinabi ni Villanueva na umaasa siyang mailalabas ang IRR bago pa ang pagsisimula ng academic year.
Subalit nailabas ang IRR nitong Oktubre at updated na nailathala sa Official Gazette nitong Nobyembre 3.
Walang pondo
Isa pa sa naging balakid sa implementasyon ng batas ay ang kakapusan ng pondo upang makatanggap na ng mga iskolar.
Labis na ikinairita ni Senador Pia Cayetano ang tinawag niyang ‘lack of sense of urgency’ ng CHED sa pagpapatupad ng medical scholarship program.
Sa pagdinig nila sa proposed 2022 budget ng Department of Health, pinuna ni Cayetano ang kawalan ng pondo sa implementasyon ng batas.
Subalit natuklasan na bunsod pa rin ito ng pagkakabimbin ng pagbalangkas ng IRR.
“I was shocked to find out that first, the information I had was na-FLR or for later release ‘yung budget para sa ‘Doktor Para sa Bayan’ and I reported that also to the Senate President,” pahayag ni Cayetano.
“However, upon further scrutiny, it turns out that the guidelines for the said fund for the implementation of the law and the construction and support we were going to give to the medical schools, including the IRR of Doktor Para Sa Bayan, was passed only on September 7, a month ago, like what, more than a year after we passed the law and about 10 months after we finalized during the budget committee hearings that we were going to implement this full on,” dagdag ni Cayetano.
“Then the request for Special Allotment Release Order was submitted September 9, to be cleared by CHED,” ayon pa sa senadora.
Wala ring pondo sa 2022
Ikinairita rin ng ilang mambabatas ang hindi paglalaan ng Department of Budget and Management ng pondo para sa implementasyon ng batas sa isinumite nilang 2022 National Expenditure Program.
Sa pagsusuri sa inihaing pagpopondo, natuklasan ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na hindi pinagbigyan ng DBM ang hiling na P1 bilyon ng CHED para sa medical scholarship.
“Nakakahiya at sa totoo lang nakakaiyak sa galit ‘yung ipinakita ng CHED sa budget na para tayong wala sa gitna ng pandemya. Unang-una, walang budget para sa Doktor Para sa Bayan para sa 2022. Isang bagay na binigyan ng prayoridad nang matapos ang kinakailangan,” pahayag ni Elago.
Kinumpirma naman ito ni CHED chairman Prospero De Vera III kasabay ng apela sa Kongreso na tulungan sila sa kanilang mga programa.
“Tulad ng sabi ninyo… walang pondo para tulungan ang medical schools, so papaano nila papagandahin ang facilities. Nag-propose po kami pero hindi naman po isinama sa NEP. We fully support Doctor para sa Bayan but we need to get funds,” pahayag ni De Vera.
Sa pagtatapos naman ng pagbalangkas ng Senado sa panukalang 2022 budget, isinulong ni Villanueva ang paglalaan ng P2.6 bilyon para sa programa.
Kung maipatutupad ang batas, maraming mga magagaling na estudyante ang tiyak na hindi na magdadalawang-isip na kumuha ng kursong medisina dahil hindi na nila iisipin ang malaking gastusin para sa pag-aaral.
Kaya naman katulad ng ating mga mambabatas, umaasa ang buong The POST team na maisasakatuparan sa pagpasok ng 2022 ang tunay na adhakain ng batas.