DOKTOR PARA SA BAYAN ACT NANGANGANIB NA MABITIN
POSIBLENG hindi magkaroon ng mga bagong scholars sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan Act sa pagpasok ng Academic Year 2023-2024.
Ito ay dahil sa kakulangan ng alokasyong inaprubahan ng Department of Budget and Management para sa programa sa ilalim ng Commission on Higher Education.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, inihayag ni CHED Chairman Prospero de Vera III na mula sa P500 milyong pondo sa ilalim ng 2022 budget ng ahensiya, ibinaba ng DBM sa P250 milyon ang pondo para sa medical scholarships.
Sinabi ni De Vera na ang ibinawas na P250 milyon ay para sa seed fund sa mga itatayong Medical Schools.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na ang P250 milyon na inaprubahang alokasyon ng DBM ay para naman pondohan ang kasalukuyang 1,325 medical scholars at posibleng hindi na kayanin pang mag-accommodate ng mga bagong estudyante.
Iginiit ni De Vera na upang magkaroon ng dagdag na mga iskolar ay mangangailangan sila ng P145 milyon na budget.
Nangako naman si Villanueva na pagsisikapang makahanap ng pagkukunan ng pondo para sa implementasyon ng Doktor Para sa Bayan Act.
“I’m just discouraged na ang Doktor Para sa Bayan Law, nawalan ng seed fund…This representation vowed to help out and support our chairperson to look for ways and means on how we can improve the budget,” pahayag ni Villanueva.