Nation

DOH PINABUBUO NG INTERVENTION PROGRAM PARA SA PAGBABALIK F2F CLASSES NG MGA ESTUDYANTE

/ 6 May 2022

HINIMOK ni Senador Panfilo Lacson ang Department of Health na bumuo ng intervention program para sa mga estudyante bago bumalik ang mga ito sa face-to-face classes.

Ipinaliwanag ni Lacson na bago muling umarangkada ang 100 percent in-person classes ay dapat matugunan muna ang mga naging psychological effect ng distance learning sa mga bata.

Sa suhestiyon ng mambabatas, dapat ay may grupo ng mga psychiatrist at psychologist na susuri sa mga batang estudyante na dalawang taon ding nawalan ng personal na pakikisalamuha sa kanilang mga guro at kaklase.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Lacson na tiyak na mapangangalagaan ang mental health ng bawat estudyante at makasisiguro na handa na silang muling sumabak sa face-to-face classes.

Muli namang iginiit ng senador na habang nagpapatuloy ang pagbalangkas ng mga hakbangin sa transition mula sa pandemic patungong endemic dulot ng Covid19 ay dapat na ring paghandaan ang mga susunod pang pandemya sa bansa.

“We should always be prepared,” pahayag ni Lacson kasabay ng paggiit na hindi na dapat pang maulit ang mga kapalpakan sa pagtugon sa Covid19.