DISTANCE LEARNING MAHIRAP I-ASSESS — SENADOR
AMINADO si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na mahirap magbigay ng assessment hinggil sa ipinatutupad na sistema sa pag-aaral sa gitna ng Covi19 pandemic.
“Napakahirap…Talagang kahit ako kamot ulo rin ako kapag tinatanong ako niyan dahil kakaiba ho kasi ang sitwasyon natin ngayon,” pahayag ni Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador na dahil ito ang unang pagkakataon na nagpatupad ng distance learning ang bansa, matinding adjustments ang kailangang gawin ng mga guro, magulang at mga estudyante.
“First time tayong nag-implement ng distance learning at first time nag-aral ang bata nang walang guro. Ang guro po natin nagtuturo via cellphone or via messenger or virtually talaga,” diin ng senador.
Ipinaliwanag ng mambabatas na dahil kakaiba ang sitwayson, ibang sistema rin ng assessment ang ginagawa ng Department of Education.
“Kumbaga, ang kanilang assessment ay mas practical. Sa aking personal assessment po, marami talagang hirap. Kaya ako itinutulak ko ‘yung face-to-face learning dahil talagang ito ang magpapalalim sa pag-aaral po ng bata. Kaya kung mayroon tayong pagkakataong bumalik sa face-to-face, dapat tayong bumalik,” sabi ni Gatchalian.
“Pero ang tingin ko kung itong darating na Mayo sa pagtatapos po ng pag-aaral natin, marami ho talagang hindi malalim. Kumbaga, alam nila pero hindi po malalim ang kanilang kaalaman sa iba’t ibang mga paksa, iba’t ibang mga subject at ito po ay nakababahala dahil makaaapekto ito sa kanilang mga susunod na pag-aaral,” dagdag pa ng senador.