Nation

DISTANCE LEARNING ‘DI DAPAT MAGING PANGMATAGALAN — SENADOR

/ 17 October 2021

MULING ipinaalala ni Senate Committe on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na ang distance learning ay hindi dapat maging pangmatagalan para matiyak ang dekalidad na edukasyon sa bansa.

Iginiit ni Gatchalian na malaking hakbang ang pagsisimula ng pagbabakuna sa kabataan para maisulong na rin ang face-to-face classes.

Sinabi ng senador na mahigit isa’t kalahating taon nang hindi pumapasok sa paaralan ang mga estudyante kaya marami sa mga ito ang hirap na sa pag-aaral.

Bukod sa mga mag-aaral, nahihirapan din ang mga magulang at maging ang mga guro sa kasalukuyang sistemang ipinatutupad.

“May limitations ang distance learning…In short, distance learning is not for long-term action. This is only for short term makatawid tayo,” pahayag ni Gatchalian.

Samantala, naniniwala si dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares na kailangan nang balangkasin ang pagbabalik eskwela sa bansa.

Sinabi ni Colmenares na dapat ay matuto na ang publiko na mabuhay na kasama ang virus at tiyakin na hindi nito mahahadlangan ang pagkatuto ng mga estudyante.

Iginiit ng dating mambabatas na sa tingin niya ay hindi kakayanin ng education sector na manatili sa distance learning system.