DISPLACED PRIVATE SCHOOL TEACHERS IA-ABSORB NG DEPED
INIHAYAG ng Department of Education na maaaring i-absorb ng ahensiya ang mga guro na naapektuhan sa pagsasara ng ilang private schools dulot ng coronavirus pandemic.
“Puwede namang i-hire ‘yung mga teacher na na-displace ayon doon sa draft guidelines natin,” wika ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo.
“Ang determination kung ilan ‘yung iha-hire ng mga LSA o Learner Support Aids ay ayon doon sa pangangailangan ng bawat eskuwelahan,” ayon pa kay Mateo.
Sinabi pa ni Mateo na puwedeng i-hire ang mga na-displace na guro bilang regular plantilla teachers.
“Posible naman as long as they apply and go to the process. Mayroon naman tayong criteria doon. ‘Yun nga ‘yung isa sa mga dahilan kung bakit ‘yung mga private school nagsasabi na ‘yung ibang kanilang tinitrain na mga teacher ay nagta-transfer, even before Covid19, marami na po ‘yun lagi sinasabi iyan ni [Education] Secretary Liling [Leonor Briones] na marami ngang nagta-transfer na mga teacher from private to public hindi lang po estudyante,” sabi pa niya.
Ayon kay Mateo, nasa isang libo na ang naha-hire na mga teacher ngayong taon, at tuloy-tuloy pa rin ang hiring sa mga karagdagang guro sa mga pampublikong paaralan.
“Ongoing ‘yung hiring, alam ninyo namang apektado ‘yung ating hiring process because of the Covid,” dagdag ni Mateo.