DISCOUNT SA PAGKAIN, GAMOT SA MAHIHIRAP NA ESTUDYANTE ISINUSULONG
ISINUSULONG nina Senador Sonny Angara at Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga panukala na magkakaloob ng diskuwento sa mahihirap na estudyante sa iba’t ibang serbisyo na makatutulong sa kanilang pag-aaral.
Sa paghahain ng Senate Bill 1635, iginiit ni Angara na bagama’t marami nang ipinagkakaloob na suporta ang gobyerno sa mga estudyante tulad ng scholarships at student loans, marami pa rin ang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral dahil sa problemang pampinansiyal.
“Another challenge faced by these students is the changing landscape in education and learning brought about by the continuing fight to stem the spread of the novel coronavirus,” pahayag ni Angara sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ni Angara na ang paglipat sa online/distance learning ay nagdudulot ng dagdag na problema sa mga estudyante dahil kinakailangan nila ng mga gadget at access sa internet para makasali sa online class.
Sa House Bill No. 7224 naman ni Tutor, sinabi ng kongresista na ngayong panahon ng pandemya, dapat mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga mag-aaral kasama na ang mga naka-enroll sa Technical and Vocational institutes.
“To ease the financial burden of underprivileged students and help them cope with the high cost of education as well as daily school expenses, this measure proposes to grant discounts on basic services such as food and medicine,” pahayag ni Tutor sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa dalawang panukala, bibigyan ng limang porsiyentong diskuwento ang mahihirap na estudyante sa pagbili ng electronic devices na gagamitin sa online/distance learning tulad ng computers at tablets, textbooks at iba pang school supplies at sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.
Nakasaad din sa mga panukala ang pagkakaloob ng limang porsiyentong diskuwento sa mga underprivileged student sa mga food establishment, mga gamot, gayundin sa mga museum, theater at cultural event.
Bilang sukli naman sa mga magbibigay ng diskuwento, maaari nila itong ideklara bilang allowabale tax deduction sa kanilang gross income sa komputasyon ng kanialng babayarang income tax.
May kapangyarihan ang Department of Education, Commision on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority na mag-diskuwalipika ng mga estudyante sa diskuwento.
Sa ilalim pa ng panukala, mahaharap sa isang linggo hanggang apat na linggong suspensiyon ng business permit at multang P20,000 hanggang P50,000 ang mga business establishment na lalabag sa unang pagkakataon.
Sa ikalawang paglabag, sususpendihin ang kanilang business permit ng hindi bababa sa apat na linggo at magbabayad ng multang mula P50,000 hanggang P250,000.
Gayunman, kinakailangang may notice at hearing bago ipatupad ang mga parusa.