DIGNIDAD NG MGA GURO IPINAGDIRIWANG SA WORLD TEACHERS’ DAY
NAKIKIISA ang Teachers’ Dignity Coalition sa pandaigdigang araw ng mga guro na ipinagdiriwang ngayong araw, Oktubre 5.
NAKIKIISA ang Teachers’ Dignity Coalition sa pandaigdigang araw ng mga guro na ipinagdiriwang ngayong araw, Oktubre 5.
Ayon kay Benjo Basas, tagapangulo ng grupo, ang World Teachers’ Day ang nag-iisang araw na itinalaga upang gunitain ang kabayanihan ng mga guro at kadakilaan ng propesyon ng pagtuturo.
Sa araw na ito noong 1966 ay nilagdaan ng UN member states sa Paris ang UNESCO-ILO Recommendations on the Status of Teachers, isang dokumento na kumikikilala sa karapatan at kapakanan ng mga guro sa buong mundo. Ito rin ang batayan ng pagsasabatas ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na itinuturing naman na Bibliya ng mga guro sa ating bansa.
“Gayunman, matapos ang 56 taon, nanatiling nakikipaglaban ang mga guro sa Pilipinas para sa makatarungang suweldo, karagdagang benepisyo, maayos na kalagayan sa trabaho, mapagkalingang mga polisiya at iba pang mga kaalwanan na malaon nang naisatitik ng UNESCO-ILO at mismong ng Magna Carta,” ani Basas.
Ayon sa grupo, sa bagong administrasyon ngayon hindi pa rin nag-iiba ang mga hinaing ng mga guro — mababang pasahod, sobrang bigat na trabaho, kawalan ng mga benepisyong pangkalusugan at iba pang non-wage benefits, hindi makatarungang mga polisiya ng GSIS, hindi patas na merit and promotion system, kawalan ng suporta sa pagtuturo at kakulangan sa pondo ng sektor ng edukasyon.
“Sa ganang amin, mananatili ang ganitong masahol na kalagayan ng mga guro kung hindi seryosong haharapin ng ating gobyerno, partiaular ng DepEd ang lumalalang problema. Ito ang aming hamon sa pamahalaan — ang patunayan ang kanyang malasakit sa sektor ng edukasyon at sa kinabukasan ng mamamayang Pilipino. Madali lamang itong gawin — unahin ang kapakanan ng mga guro, ibigay ang sapat na sahod, mge benepisyo at insentibo at tuparin ang mandato ng Saligang Batas na tiyaking masaya, may mataas na moral, kuntento at may dangal ang mga guro,” sabi ni Basas.
“Tandaan natin ang World Teachers’ Day ay paggunita sa kadakilaan ng mga guro at hindi isang araw ng pambubaladas sa pamamagtan ng mga papuri sa talumpati, programa at entertainment ng mga artista, pag-aalay ng bulaklak o regalo at pagbibigay ng discount at freebies. Kaya ang tunay na diwa ng World Teachers’ Day ay ang pagpapahalaga sa aming dignidad,” dagdag pa niya.