Nation

DIGITAL TRANSFORMATION ROAD MAP SA EDUKASYON PINABUBUO

/ 30 June 2021

NANINIWALA si Senate Committee on Basic Education and Arts Chairman Sherwin Gatchalian na kailangang magkaroon ng digital transformation road map sa edukasyon.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na dahil sa epekto ng Covid19 pandemic, maraming dapat matutunan hindi lamang ang taumbayan kundi maging ang gobyerno.

Sinabi ng senador na partikular na nabigyang-diin sa pandemya ang pangangailangan sa internet access at mga gamit.

Aminado si Gatchalian na kahit matapos na ang pandemya ay magiging bahagi na ng pagtuturo ang paggamit ng internet.

“Hindi na tayo makakabalik sa normal full face-to-face at kailangang magkaroon ng internet dahil papasok tayo sa blended learning,” diin ni Gatchalian.

Ipinaliwanag ng senador na kasama sa tutukuyin sa road map kung ilan pang paaralan ang dapat na kabitan ng internet infrastructure o ilang bata pa ang kailangan ng internet at anong paraan ng pagtuturo ang gagamitin.