DIGITAL MONEY TRANSACTIONS PATOK SA MGA ESTUDYANTE
INAMIN ng isang digital and culture transformation service provider na mas lamang ang mga kabataan at estudyante na tumatangkilik sa digitalized money transfer at maging sa apps nito.
Sa panayam sa programang Usapang Payaman sa DWIZ kay Rey Lugtu, founder and CEO ng Hungry Workforce, mas techie o maalam sa teknolohiya ang mga kabataan kaya mabilis silang nagpaparehistro sa digital money transfer platforms o e-wallet.
Sinabi naman ni Mr. Eric Montelibano, integrated communication marketing consultant ng Citystate Savings Bank, na nakatulong ang pandemya para tumaas ang porsiyento ng Pilipino na tumangkilik o yumakap sa digital money transactions.
“Dahil hindi makalabas noong quarantine, napilitang mag-download ang mga tao sa apps para umorder ng kanilang essentials, at dito mas inasahan ng elderly ang mga kabataan at estudyante dahil sila ‘yung maalam sa internet, sa social media,” ayon kay Montelibano.
Samantala, aminado si Lugtu na nananatiling hamon pa rin sa ibang Pinoy ang makipagtransaksiyon gamit ang online apps dahil sa isyu ng seguridad.
Subalit dahil sa nilikhang batas at pinaigting na kampanya sa seguridad ay mahihimok din, aniya, ang publiko na yakapin ang digital money transactions lalo na ang banking.