DICT, TELCOS NANGAKONG PALALAWAKIN PA ANG BAYANIHAN SIM PROJECT
MANILA– Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba’t ibang telecommunications services sa bansa nangakong tutulong sa pagpapalawak ng Bayanihan Sim Project ng ahensya.
Ito’y makaraang sabihin ni DICT Secretary Henry Aguda sa isang eksklusibong meet and greet ngayong Hunyo 26, na nagsimula na ngayong araw ang nasabing proyekto matapos mamigay ng sim cards ang ahensya sa Kalawakan Elementary School sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Sinabi ni DICT Undersecretary Faye Condez-de Sagon na ang mga pangunahing telco na susuporta at tutulong umano sa naturang inisyatibo ay ang mga nangugunang telco services ng Pilpinas na Globe, Smart, at DITO.
“Kasama po natin sa proyekto na ito ay ang mga telco, isa sa mga pangako ng mga telco sa cooperation with DICT and sa administration ni President Marcos ang pagpapalawak pa nitong Bayanihan Sim project na ito,” sabi ni de Sagon.
Ang Bayanihan Sim ay proyekto ni President Ferdinand Marcos Jr. upang magkaroon ng akses ang mga mamamayan ng Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) sa mabilis at epektibong internet connection.
Sa pakikipagtulungan ng DICT sa Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG), namili ang ahensya ng mga paaralan at GIDAs na maaaring mabigyan ng mga sim cards na mapakikinabangan umano ng mga estudyante at ng kani-kanilang mga pamilya.
Ang isa umanong sim card ay mayroong 25GB na internet connection na automatic renewable kada-buwan pagkatapos na maactivate ang naturang sim card.
Sinabi pa niya na upang masiguro ang epektibo at mabilis na internet connection ay magpapatayo umano ang mga telcos ng mga cell towers sa iba’t ibang GIDAs upang masiguro ang mainam na internet connectivity.
“Besides sa pagpapamigay ng sim cards kasama na rin dito ang pagpapatayo ng ilang mga common towers. Bawat isang telco ay may commitment po sila sa atin na magtatayo sila ng tower sa mga far-flung areas na talagang wala,” saad niya.
Bukod sa naunang distribusyon sa Bulacan ngayong araw, susunod namang pupuntahan ng DICT ang Bani National High School Coto Annex sa Masinloc, Zambales, at San Nicolas Integrated School sa General Luna, Quezon Province at iba pang paaralan sa pagpapatuloy ng proyekto hanggang sa katapusan ng taon.
Sa ilalim ng Bayanihan Sim Project ay nakatakdang magbigay ng mahigit 1.8 milyong sim cards ang ahensya sa mahigit 5 milyong benepisyaryo kasama ang mga estudyante, guro, at kani-kanilang mga pamilya. [END]