DICT NAGPASAKLOLO SA KONGRESO PARA SA PONDO SA NATIONAL BROADBAND
HINILING ng Department of Information and Communications Technology sa mga mambabatas na payagan silang magamit ang spectrum users fees upang pondohan ang kanilang digital infrastructure programs, partikular ang National Broadband at ang pagbibigay ng libreng wifi sa lahat.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa proposed P9.067 billion budget ng DICT sa susunod na taon, umapela si DICT Undersecretary Emmanuel Caintic na payagan silang gamitin ang P8 bilyong SUF para sa connectivity sa bansa.
Ang SUF ay kinokolekta kada taon mula sa mobile network service providers na binigyan ng frequency bandwidth batay sa kanilang paggamit ng spectrum, uri ng serbisyong ibinibigay at economic classification ng mga lugar na saklaw ng cell sites.
“Our primary flagship programs are the National Broadband and Free Wi-Fi for All. We are now fusing them together as a digital infrastructure plan,” pahayag ni Caintic.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang paggamit ng SUF para sa libreng public internet access program ay nasa ilalim ng kanilang maintenance and other operating expenses.
“I want to point out MOOE ‘yan, para akong nagbabayad ng internet service sa 10,000 sites,” pahayag ni Caintic.
Binigyang-diin ni Caintic na kailangan ng DICT ang buong SUF fund para sa pagtatayo nila ng mga digital infrastructure.
Idinagdag ng opisyal na kailangan nila ang mga digital infrastructure upang maibigay ang mas murang internet at mas marami ang mapagsilbihan ng mahigit 10,000 free Wi-Fi sites sa gitna na rin ng distance learning.
“The internet we will buy from the US is at about 9 cents per Mbps, that’s how cheap it is. But we do not have the means to let it flow to 10,000 cites,” diin ni Caintic.
Sa orihinal na proposal ng DICT, humihingi ito ng P34.63 bilyong budget para sa susunod taon subalit P9.067 bilyon lang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management dahil sa mababang paggastos ng ahensiya.