‘DI LAHAT NG GURONG NAGSILBI SA ELEKSIYON TATANGGAP NG DAGDAG INSENTIBO — COMELEC
NILINAW ng Commission on Elections na hindi lahat ng guro na nagsilbi noong May 9 elections ay tatanggap ng dagdag na honoraria.
Sinabi ni Comelec Acting Spokesperson, Atty. John Rex Laudiangco na tanging mga guro at poll workers na nag-extend ng trabaho dahil nagkaroon ng aberya ang kanilang vote counting machines ang makatatanggap ng karagdagang insentibo.
Partikular ito sa 915 VCMs na nagkaproblema at hindi agad napalitan ng poll body kaya tumagal ang halalan.
Kinumpirma rin ni Laudiangco na inihain na ni Commissioner George Garcia ang apela sa en banc para sa pagbibigay ng additional service incentives.
Sa panig naman ng Department of Education, sinabi ng tagapagsalita nito na magkakaroon din ng formal manifestation ang ahensiya para sa dagdag insentibo.
Ipinaliwanag ng opisyal na pag-aaralan ng en banc ang kahilingan at kung magkano ang maaaring ibigay na honoraria.
Wala namang komento ang opisyal sa hiling na i-exempt ang insentibo ng mga guro sa buwis sa pagsasabing nasa hurisdiksyon ito ng Bureau of Internal Revenue.