DEPED WALA PANG DATOS NG MGA GURO NA NAIS MAGPABAKUNA VS COVID19
INAMIN ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na wala pa silang datos ng mga guro na handa at nais magpabakuna laban sa Covid19 kasabay ng pagpapahiwatig na magiging bahagi ng protocol sa pagbabalik-eskuwela ang bakuna.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education and Culture na pinangunahan ni Senado Sherwin Gatchalian, nangako si Malaluan na magsasagawa ng survey sa mga guro upang makuha ang bilang ng mga nais magpabakuna.
“It was not included in our last survey, we just conducted a survey on the challenges of the first semester, but we can conduct that,” sagot ni Malaluan nang tanungin ni Senadors Nancy Binay.
“We can report on that but I presume that it is not going to be completely a matter of choice in so far as teachers will be concerned, especially if it would be part of the protocol of the resumption of generalized face-to-face classes. We will share that information on the stand of the teachers on that,” paliwanag pa ng opisyal.
“This is something you could consider kasi nga ‘yung mga lumalabas na reports, mukhang hindi maganda ‘yung numero dun sa mga gustong magpabakuna. It would be good to know if may ganoong problema rin tayo sa ating mga teacher pagdating dun sa pagbabakuna,” pahayag naman ni Binay.
Sa pagsisimula rin ng pagdinig, muling kinuwestiyon ni Binay ang mistulang pagkakaiwan sa mga guro sa priority list sa vaccination program.
“Nasaan ang mga guro sa listahan? Kapag dumating ang Sinovac, ibibigay sa military at police force. Parang hindi nababanggit ang mga guro,” giit ni Binay.
Ipinagpasalamat naman ni Teachers Dignity Coalition Chairman Benjo Basas ang pagpapahayag ng concern ni Binay sa mga guro kasabay ng kumpirmasyon na may mga guro na tinamaan ng virus ang umasa lang sa pag-aambag-ambagan ng iba pang mga guro at maging ng ilang opisyal ng DepEd.
“Mga nahawa ng mga panahon na ‘yan ay hindi nabigyan ng assistance. Nag-ambag-ambag para maabutan sila ng tulong. Sana hindi naman ganun. These are government workers. We have Magna Carta for Public School Teachers subalit hindi po ito naipatutuapd sa usapin ng Covid lalo na kung kailan kinakailangan,” pahayag ni Basas.
Nilinaw naman ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing na kasama ang mga guro sa priority list sa vaccination program at sila ay nasa ika-anim sa listahan kasama ang iba pang essential workers.