DEPED UMAMIN NA BIGONG MAIPATUPAD ANG ‘LAST MILE SCHOOL’ PROGRAM
INAMIN ng Department of Education na hindi nila naipagpatuloy ngayong taon ang Last Mile School Program o ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga paaralan sa mga malalayong lugar.
Sa paliwanag ng DepEd, P6.5 bilyon ang inilaang budget ng ahensiya para sa programa ngayong taon subalit P5 bilyon dito ay ini-realign para sa mga hakbangin laban sa Covid19 pandemic habang ang P1.5 bilyon ay hindi pa nailalabas ng Department of Budget and Management.
Binatikos naman ito ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa pagsasabing matagal nang napapabayaan ng pamahalaan ang mga liblib na komunidad, lalo na sa mga lugar ng mga katutubo.
“Sa mahabang panahon ay pinagkaitan kami ng serbisyong edukasyon, hanggang sa aming mga pagsisikap ay nakapagtayo kami ng mga paaralan para sa aming mga anak at kabataan. Ang mga paaralang ito ay sumangguni mismo sa DepEd para humingi ng permiso a tulong para ito ay maitayo at mapagana. Nang maayos nang nag-ooperate ang mga paaralan, bigla naman itong ipinasara,” pahayag ni Cullamat.
Iginiit pa ng kongresista na kung magtatayo ang DepEd ng pampublikong mga paaralan sa mga IP areas, hindi dapat ipasara ang mga pribadong paaralang nakakapagserbisyo sa mga kabataan.
“Hindi mabuting gawain ng mga guro at ng kagawaran ang wasakin ang aming pinaghirapan. Binuhusan ito ng pawis, dugo at buhay ng aming mga kaanak at lider sa komunidad. Napakasamang aksiyon ng DepEd ang magpagamit sa mga militar para kami na dati nang marginalized ay lalo pang sinisikil at itinutulak sa mas matindi pang marginalization,” diin pa ng mambabatas.
Nilinaw naman ni Education Secretary Leonor Briones na ang Last Mile School Program ay hindi lamang nakatutok sa IP areas at sa halip ay kasama ang pagsasaayos ng mga paaralan sa mga malalayong komunidad.