DEPED SA MGA MAGULANG: NALALABING ARAW NG EARLY REGISTRATION SAMANTALAHIN
HINIKAYAT ng Department of Education ang mga magulang at guardian na samantalahin ang nalalabing araw ng early registration para sa taong pampaaralan 2022-2023.
Ang early registration ay hanggang Sabado na lamang, Abril 30.
Layunin ng nasabing programa na bigyan ng sapat na oras ang ahensiya para makapaghanda sa posibleng mga isyu at alalahanin na maaaring lumitaw sa araw ng pasukan.
Batay sa huling datos ng early registration, sinabi ng DepEd na umabot na sa 2,571,170 ang mga nagpa-early register na mag-aaral na papasok sa Kindergarten, Grades 1, 7, at 11.
Pinakamarami ang nakapagpatala sa Region 4-A (257,849), na sinusundan ng Region 5 (232,889), at NCR (190,317).
Samantala, hindi na kinakailangan pang magpa-early registration ang mga mag-aaral sa Grade 2 hanggang Grade 6, Grade 8 hanggang Grade 10 at Grade 12 dahil sila ay itinuturing na pre-registered.
Pinaalalahanan din ang mga eskwelahan, maging ang mga magulang na sundin ang ipinatutupad na health at safety protocols sa pagsasagawa ng early registration.
Pinapayagan naman ang in-person registration sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2 basta tiyakin lamang na nasusunod ang health protocols.