DEPED SA MGA MAGULANG: HUWAG PONG SAGUTAN ANG MODULES NG MGA ANAK
NAKIKIUSAP ang Department of Education sa mga magulang na tulungan at gabayan, pero huwag na huwag sasagutan ang self-learning modules ng kanilang mga anak para matutunan pa rin nila ang dapat na matutunan sa distance learning.
Sinabi ni Education Undersecretary Tonisito Umali na ang mga magulang ay gagampan ng malaking papel para magpatuloy ang pagkatuto ng kanilang mga anak. Sila ngayon ang magsisilbing pangunahing guro sapagkat maglalagi ang mga mag-aaral sa tahanan hanggang hindi pa nasusugpo ang Covid19 pandemic.
Subalit binigyang-diin niya na hindi ito nangangahulugan na sila na ang susulat at sasagot sa mga module para pumasa ang mga bata sa klase.
“Hindi po sila [mga magulang o kasama sa bahay] ang dapat sasagot ng pagsusulit o takdang aralin o gawaing pang-upuan ng mga bata. Klaro po iyan,” sabi ni Umali sa isang online forum.
Inilabas na ng DepEd ang bagong order na tanging mga sulatin at performance task ang lalamanin ng assessment o quarterly grade ng mga mag-aaral. Inalis na ang markahang pagsusulit ngayong taon para makapagpokus sila sa paglalapat ng mga aralin sa araw-araw na pamumuhay.
Inaasahan naman ni Umali na ang bawat pampublikong paaralan sa buong Filipinas, mula Kinder hanggang Grade 12, ay magkakaroon ng Parents-Teacher Association meeting kung saan pag-uusapan ang mga dapat gawing paggabay sa kanilang mga anak.
Dagdag pa niya, may sistema ang bawat paaralan para malaman kung tunay ngang naiintindihan ng mga mag-aaral ang bawat aralin kaya umaasa siyang makiisa ang mga magulang dito.