Nation

DEPED REGION 12 PINABIBIGYAN NG PRANGKISA PARA SA BROADCASTING STATIONS

/ 14 March 2021

ISINUSULONG ni South Cotabato Rep. Shirlyn Banas-Nograles ang panukala para sa pagbibigay sa Department of Education Region 12 ng prangkisa para sa radio and television broadcasting stations.

Sa kanyang House Bill 8921, nais ni Nograles na pagkalooban ang DepEd  ng prangkisa sa pagkakabit, pag-operate at pagmantina ng radio at television broadcasting stations sa kanilang rehiyon.

“This initiative proceeds from the Constitutional provision which directs the State to give priority to education, science and technology, arts, culture and sports, to foster patriotism and nationalism, accelerate social progress, and promote total human liberation and development,” pahayag ng kongresista sa kanyang explanatory note.

Sinabi ng lady solon na tungkulin ng Kongreso na suportahan ang pangangailangang imprastrakture para sa edukasyon sa malalayong lugar sa bansa na tugma pa rin sa whole-of-nation approach.

Nakasaad sa panukala na ang mga istasyon o pasilidad na itatayo ay kinakailangan ding may permiso mula sa National Telecommunications Commission.

Tatagal ang prangkisa sa loob ng 25 taon simula nang ito ay maaprubahan maliban na lamang kung kinansela o binawi nang mas maaga.

Binigyan-diin pa ni Nograles na dahil sadyang mahina ang internet service connection sa kanilang rehiyon, malaking tulong sa pag-aaral ng mga bata ang pagkakaroon ng radio at television stations ng DepEd.