DEPED, PNP SANIB-PUWERSA VS SCHOOL VIOLENCE
MAKARAAN ang sunod-sunod na krimen na kinasangkutan ng mga guro, estudyante at paaralan nitong linggo, magsasanib-puwersa na ang Department of Education at Philippine National Police para matiyak ang kaligtasan ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Una nang inatasan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio ang mga opisyal ng ahensiya na makipag-ugnayan sa PNP.
Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na inutusan ni Duterte-Carpio ang regional offices at schools division offices na mahigpit na makipagtulungan sa kapulisan.
Sa panig naman ng PNP, inatasan ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang lahat ng mga regional at provincial director ng PNP, kasama ang chiefs of police at ground commanders, na makipag-ugnayan sa mga paaralan sa kanilang area of responsibility.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Red Maranan, ito ay bilang pagsuporta sa DepEd para masolusyonan ang problema sa karahasan sa mga paaralan.
Sinabi ni Maranan na ipinag-utos ni Azurin sa mga police commander na alamin ang lahat ng kailangan ng mga paaralan pagdating sa usaping panseguridad.
Paliwanag ni Maranan, maganda kung may regular na diyalogo ang mga pulis at mga paaralan kaya sila nagpatupad dati ng school visitation.
Ang kautusan ay kasunod ng huling insidente ng karahasan, kung saan nasawi ang isang Grade 6 pupil sa Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte Bulacan matapos aksidenteng mabaril ang sarili gamit ang baril ng kanyang amang pulis sa loob ng palikuran ng paaralan nitong Enero 26, at ng sunod-sunod na bomb threat sa mga eskuwelahan sa Metro Manila.