Nation

DEPED PINURI SA PLANONG BAWASAN ANG MGA GAWAIN NG MAG-AARAL

/ 15 October 2020

IKINATUWA ng mga guro ang pahayag ng Department of Education na babawasan ang mga gawain ng mga mag-aaral na nasa ilalim ng modular distance learning modality.

Ito ang naging tugon ng kagawaran sa mga reklamo mula sa mga mag-aaral, magulang at maging mga guro na natatambakan umano ng maraming gawain at nahihirapan nang husto ang mga bata sa modular learning.

“Ikinalulugod namin ang pahayag na ito ng DepEd at umaasa kami na ipagpapatuloy pa rin nila ang pagtatasa sa mga polisiya,” sabi Benjo Basas, National Chairperson ng Teachers’ Dignity Coalition.

Ayon kay Basas, marami pang dapat repasuhin sa mga polisiya ng DepEd ukol sa distance learning modality na isinulong ng ahensiya bilang tugon sa pandemya.

“Sapagkat nasa gitna tayo ng krisis dulot ng pandemya, dapat lamang na magkaroon tayo ng konsiderasyon sa lahat, lalo na sa mga bata at kanilang pamilya na maaaring limitado ang kapasidad pang-ekonomiya at pang-akademiko,” dagdag pa ni Basas.

Ayon pa rin sa kanya, kinikilala nila ang naging hakbang ng DepEd nitong mga nakalipas na linggo mula sa pagbabago sa assessment at maging sa criteria sa grading. Matatandaan na hindi na magkakaroon ng periodical test ang mga bata at binago na rin ang sistema sa pagbibigay ng grado sa mga mag-aaral.