DEPED PINAYUHAN NA MAG-ARAL PA DAHIL SA MALI-MALING MODULES
SA GITNA ng mga reklamo kaugnay sa mali-maling self-learning modules, inamin ni Senadora Imee Marcos na naaawa na siya sa Department of Education.
“Naawa naman ako sa Deped, kasi paspasan naman talaga ang paggawa nila ng modules, baka naman nagkamali sa pag-type at sa pag-imprenta, pero sana ayusin,” pahayag ni Marcos.
“Talagang sinita na namin ang DepEd dahil ang natuklasan naming module may bastos na sagot. Alam mo ‘di naman ako malisyoso, bastos talaga, nakakaloka. Tapos ngayon, mali-mali naman ang arithmetic,” dagdag pa ng senadora.
Sinabi ni Marcos na sa kanilang bilang ng mga senador, umabot na sa 35 ang mali sa mga module habang may ibang ang bilang ay nasa 37 na.
“Nakakatakot at ‘yung ating mga titser dito sa Cordillera, sa Northern Luzon, sa Mindanao, talaga namang extra challenge ang pag-distribute ng modules, tapos pagdating ng module, walang nakakaintindi at mali-mali. Nakakahiya naman,” dagdag pa ng mambabatas.
Pinayuhan din ng senadora ang Deped, partikular ang mga gumagawa ng modules, na mag-aral pang mabuti makaraang makarating sa kanya ang puna ng ilan na nakalagay sa module na ang nagpasimula ng agrarian reform sa bansa ay ang administrasyon ni yumaong Pangulong Cory Aquino.
Sa paliwanag ng senadora, sa ilalim ng administrasyon ng kanyang amang si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos inilabas ang Presidential Decree 27 para sa pagsusulong ng agrarian reform subalit pinalawig sa panahon ni Aquino sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
“In the meantime, ang Deped baka kailangang mag-aral ng kaunti,” giit ni Marcos.