Nation

DEPED PINAKIKILOS VS LEARNING CRISIS

/ 1 March 2021

NAGKAKAISA ng paniniwala ang ilang senador na bago pa man ang Covid19 pandemic ay nasa learning crisis na ang Filipinas.

Sa pagtalakay sa Senado, kinuwestiyon ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. ang mababang kalidad at walang pagbabago na sistema ng edukasyon.

Sinabi ni Revilla na wala pa ang pandemya ay umiiral na ang problema sa edukasyon at lalo pa aniyang nadagdagan ang pagdurusa ng mga guro at mag-aaral dahil sa ipinatutupad na online learning.

Hindi man tahasang sinisi ni Revilla ang Department of Education ay binigyang-diin niya ang kakulangan ng plano, tamang pananaw at kahinaan sa pagpapatupad ng polisiya sa edukasyon.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Senador Joel Villanueva sa mga resulta ng ilang international assessments.

Ipinaliwang ni Villanueva na bago pa man ang pandemya, nahuhuli na ang Filipino learners sa rankings kahit sa Southeast Asia sa usapin ng Science at Math.

“What will happen to us now if we are getting such data even before the pandemic? How are we preparing?” tanong ni Villanueva.

Kaugnay nito, aminado si Senador Sherwin Gatchalian na ang ginagamit ngayong self-learning modules sa distance learning ay nakadisenyo upang maipagpatuloy lamang ang pag-aaral at hindi upang palakasin ang kakayahan ng mga estudyante.

Muli ring binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang magpokus ang DepEd sa training sa mga papasok na guro upang maihanda na ang kanilang sarili sa curriculum na kanilang ituturo.