Nation

DEPED PINABUBUO NG COVID 19 MAP

/ 29 July 2020

INIREKOMENDA ni House Committee on Basic Education Chairman Roman Romulo sa Department of Education na bumuo ito ng komprehensibong Covid19 map.

Ipinaliwanag ni Romulo na sa pamamagitan ng mapa, matutukoy ng DepEd kung anong epektibong mode of learning ang ipatutupad sa bawat lugar dahil maraming lalawigan ang may mahina kung hindi man ay sadyang walang koneksyon sa internet.

Sinabi ni Romulo na bawat lugar sa bansa ay isasailalim sa assessment at tatalakayin ang best learning modality para sa nasabing lugar.

“Importante itong payo natin sa DepEd na sana gawin na ang Covid19 map ng buong bansa para alam po natin kung ano ang iba-ibang modalities na pwedeng gawin sa mga paaralan,” pahayag ni Romulo.

“Nagpahanda rin po tayo ng Connectivity Map of the Philippines, kung saan pinapakita, sa tulong ng DICT, kung saang mga lugar, mga probinsya, o mga rehiyon na mayroon tayong malakas na WiFi, at kung hindi man, malakas ang TV at radio,” idinagdag pa ng kongresista.

Una na ring iginiit ni Senadora Nancy Binay sa DepEd ang pagsasagawa ng school mapping upang mas maging madali sa ahensya ang pagtukoy sa mga may lugar na maaaring makapagsagawa ng online o digital learning.

Ipinaliwanag ni Binay na bukod sa koneksyon ay marami pa ring lugar sa bansa ang walang kakayanan ang mga pamilya na makabili ng gadget para sa online learning.