Nation

DEPED: PAG-SOLICIT PARA SA BRIGADA ESKWELA BAWAL

/ 9 August 2022

MULING nagpaalala ang Department of Education na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pangongolekta sa mga magulang o ‘di kaya’y mag-solicit sa ibang mga volunteer para sa Brigada Eskwela.

Ginawa ang pahayag bilang tugon sa mga ulat na may ilang guro umano ang nagso-solicit ng mga kagamitan at pintura para sa muling pagbubukas ng klase.

“As such, school heads are reminded that in the implementation of 2022 Brigada Eskwela, no fee shall be collected from parents/guardians or solicited from other volunteers and stakeholders, based on DepEd Order No. 062, s. 2022,” sabi ng DepEd sa opisyal na pahayag.

“Brigada Eskwela is anchored on the spirit of ‘bayanihan’ and has been the prime mover of volunteerism and community involvement in the Department of Education,” dagdag pa ng ahensiya.

Layon ng Brigada Eskwela para sa taong ito na tugunan ang mga hamon at learning resource gaps sa mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapatibay ng ugnayan sa local at national level.

Kabilang sa mga gawain tuwing Brigada Eskwela ang paglilinis, pagpipintura at pagkukumpini sa mga sirang school facilities at mga gusali, kung saan nakikiisa ang mga mag-aaral, mga guro at mga volunteer para paghandaan ang muling pagbubukas ng klase.