Nation

DEPED PAG-AARALAN ANG PAGBABALIK NG SCHOOL BREAK SA ABRIL-MAYO

BUMUO ang Department of Education ng isang grupo para pag-aralan ang panukalang ibalik sa dati ang academic calendar kung saan ang school break ay mula Abril hanggang Mayo.

/ 7 April 2023

BUMUO ang Department of Education ng isang grupo para pag-aralan ang panukalang ibalik sa dati ang academic calendar kung saan ang school break ay mula Abril hanggang Mayo.

Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, kinokonsidera ng kagawaran ang mga mungkahi na bumalik sa lumang kalendaryo upang maiwasan ang pagdaraos ng klase sa init ng panahon.

“We have formed a group to study it so that once we give out our decision, it has a proper basis,” ayon kay Poa.

Paliwanag ni Poa, ang mga naunang panukala na sumusuporta sa pagbubukas ng klase sa Agosto ay batay sa mga ulat ng mga mag-aaral na nahihirapang pumasok sa panahon ng bagyo mula Hunyo hanggang Agosto.

Nauna na niyang sinabi na may opsyon ang mga eskwelahan na magpatupad ng blended learning kung ang mga kondisyon ng silid-aralan ay depende sa learning environment ng mga estudyante.

Nagbukas ang DepEd ng mga klase noong 2022 sa huling linggo ng Agosto. Magtatapos ang school year sa unang linggo ng Hulyo.