DEPED NAVOTAS HANDA NA SA DRY RUN PARA SA BLENDED LEARNING
DALAWAMPU’T isang pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa Navotas City ang nakatakdang magsagawa ng dry run sa distance learning classes simula Agosto 3 hanggang Agosto 7.
Ayon sa pamunuan ng School Division Office-Navotas City, mamamahagi sila ng learning packets, o kilala rin sa tawag na Navoschool-in-a-Box, sa Agosto 3, mula alas-8 hanggang als-10 ng umaga.
Kasama rin sa naturang dry run ang Special Education (SPED) classes at Alternative Learning System (ALS).
I-a-adopt ng DepEd Navotas ang blended learning approach gamit ang printed modules at online distance learning modalities.
Tatlong paaralan sa School Division Office —Bagumbayan Elementary School, Dagat-dagatan Elementary School at Navotas National High School—ang nakapagsagawa na ng pilot simulation noong Hunyo 30 hanggang Hulyo 3.
Naglaan naman ng P11 million ang lokal na pamahalaan ng Navotas para ipambili ng storage box para sa learning packets, habang P15 million naman ang nakalaan para sa reproduction ng self-learning modules para sa lahat ng mga mag-aaral sa lungsod.