DEPED NAKATUON SA ‘FUTURE OF EDUCATION’
ITINUTURING ni Education Secretary Leonor Briones bilang ‘transition for the future’ ang kanilang budget para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senado sa proposed P606 billion 2021 budget ng Department of Education, sinabi ni Briones na hindi na babalik pa ang dating paraan ng edukasyon sa bansa
“The education will not be the same as we used to have,” pahayag ni Briones.
Ipinaliwanag niya na sa ngayon ay nakatuon na sila sa ‘future of education’ na itinuturing nilang malaking hamon pero ngayon pa lamang ay mayroon na silang design unit para sa pagbalangkas ng bagong disenyo ng mga klasrum para sa pagbabalik ng bansa sa face-to-face learning.
Inamin din ng kalihim na malaking pondo ang kanilang kailangan para sa mga pasilidad upang masunod ang safety protocols.
Ayon kay Briones, sa hinihingi nilang budget, 10,000 bagong mga guro ang kanilang iha-hire mula ngayong taon hanggang 2021 habang may 5,000 non-teaching positions ang bukas hanggang sa susunod na taon.
Inilaan din ng ahensiya ang P9 bilyon na pondo para sa computerization program kung saan aabot sa 27,200 ang Information and Communications Technology packages.
Bilang update, sinabi ni Briones na hanggang umaga ng Setyembre 25, umabot na sa 24.6 milyon ang naka-enroll na 88 percent ng original enrollment sa nakalipas na academic year.
Idinagdag pa ni Briones na 99 percent na ng mga estudyante sa public school ang nag-enroll habang nasa 49.2 percent sa private school o katumbas ng 2.136 milyon.