DEPED NAGPASAKLOLO SA KONGRESO PARA SA DAGDAG-PONDO SA MODULES AT INTERNET ALLOWANCE NG MGA GURO
NAGPASAKLOLO ang Department of Education sa Kongreso upang mabigyan sila ng dagdag na pondo sa pag-iimprenta ng self-learning modules at pagbibigay ng internet allowance sa mga titser.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa proposed 2021 budget ng DepEd, inamin ni Undersecretary Diosdado San Antonio na posibleng dalawang estudyante ang magpalitang gumamit o mag-share sa isang self- learning module.
Ito ay dahil na rin sa kakapusan ng pondo para sa pag-iimprenta ng modules makaraang P15 bilyon lamang mula sa hinihinging P34 bilyon ang inilaan ng Department of Budget and Management para sa self-learning modules.
Umapela si DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla sa Kongreso na dagdagan ng P10 bilyon ang pondo sa printing ng modules upang matiyak na bawat estudyante ay mayroong kopya nito.
Kasabay nito, hiniling din ni Sevilla sa mga kongresista na gumawa ng probisyon sa General Appropriations Act upang mabigyan ng internet allowance ang mga guro.
Ipinaliwanag ni Sevilla na bagama’t nais din nilang tugunan ang hiling ng mga guro para sa dagdag na allowance, kinakailangang maging malinaw sa batas ang bawat item na kanilang popondohan.
“Automatic po ‘yan, magkakaroon po tayo ng COA finding kapag nagbigay tayo ng allowance na hindi naman po nakalagay sa General Appropriations Act at Salary Standardization Law,” paliwanag ni Sevilla.
Sinabi ni Sevilla na may suhestiyon sa kanila na magbigay ng P350 hanggang P500 na internet allowance kada buwan subalit patuloy pa nila itong pinag-aaralan.