Nation

DEPED NAGHAHANDA SAKALING ITULOY ANG DRY RUN NG F2F CLASSES

/ 19 February 2021

NAGHAHANDA na ang Department of Education sakaling magpasiya si Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy na ang pilot testing ng face-to-face classes.

“In the meantime naghahanda kami sa baka dadating ang panahon na i-lift na ni President ang deferment ng pilot studies natin na ito,” sabi ni Education Secretary Leonor Briones sa Laging Handa press briefing.

Una, kailangan, aniya, na pumayag ang local governments na magsagawa ng face-to-face classes sa kanilang lugar.

“So, kailangan may consent and that automatically at that time eliminated NCR [National Capital Region], kasi ang classification ng NCR hindi naman sila MGCQ [Modified General Community Quarantine], so hindi namin sila mapasama, kasi sabi namin sundin lahat ng mga precautions ng Department of Health; so, one, consent ng local government,” sabi ni Briones.

“Kailangan din na may written consent ng mga magulang kasi may mga magulang na hindi pa rin lubos maunawaan o makita kung ano ang puwedeng advantage kung magkaroon ng face-to- face classes.

“So, iyon ang ginawa namin na hindi namin isinama ang NCR sa listahan ng 1,000 schools. Eh, nagbago na ang panahon, dahil ang IATF [Inter-Agency Task Force] medyo ano na ang paningin sa mga NCR local governments,” ayon pa kay Briones.

“So, kailangan ng consent ng parents dahil kung minsan nakikita natin na kung may mangyayari baka sisihin ang DepEd o kung sino ang sisisihin, so kailangang papayag ang parents,” dagdag pa ng kalihim.

Sinabi rin ni Briones na hindi naman lahat ng pasilidad ng Department of Education ay perpekto para sa pilot study.

“So, ang sabi namin, iyong mga schools na physically malapit sila sa isang health facility, may tubig, may supply ng gamot, etc., iyon ang papayagan namin na mag-pilot face-to-face. Pero iyan depende talaga, ang pinaka-bottom line namin is the assessment of the IATF and the Department of Health,” sabi pa niya.

May pag-aaral, aniya, na maaaring makuha ng mga bata ang virus sa transportasyon at sa canteen.

“Saan sila nakakapulot ng germ na iyan, ng virus na iyan? At nakikita namin na ang isang posibilidad ay transportation. So, sabi rin namin na iyong lahat ng services relative to education like transportation, like canteens, iyong food, etc., kailangan ma-secure natin na malinis. Baka hindi sila makakuha ng germ sa school o sa home nila pero kung sa transport naman sila makapulot ng mga germs, ganoon din, kalat din ang mangyayari,” paliwanag ni Briones.

“In the light of the deferment, sabi namin mukhang nagbabago na ang panahon. Nakikita na natin nakayanan natin iyong UK variant at saka iyong ibang variant, at gumaganda iyong ating mga numero sa pag-handle ng Covid19. At saka kitang-kita sa mga pag-aaral na not necessarily ang mga bata ang source ng infection, like in families. Pinag-aralan namin iyong iilang mga bata na natatamaan ng Covid19 ay mukhang hindi galing sa school, kasi wala namang school,” dagdag pa ng kalihim.

Base sa survey ng kagawaran, marami sa mga mag-aaral ang nais na magkaroon ng face-to-face classes.

“Sa paningin ko, this is personal on my part, pero medyo na-confirm sa aming survey – more than a million participants – na ang pinakamalakas, matindi na supporter ng face-to-face ay ang mga learners themselves, kasi ang tinanong namin ang mga bata, ang mga parents at saka teachers,” dagdag pa ni Briones.