Nation

DEPED NAGHAHANDA NA SA PISA 2022

/ 28 November 2020

NAGSIMULA nang magtrabaho ang kabubuo lamang na Technical Working Committee ng Department of Education para sa muling paglahok ng Filipinas sa Programme for International Student Assessment sa 2022.

Nitong Huwebes, Nobyembre 26, pinangunahan ng DepEd ang isang virtual conference bilang kick-off ng paghahanda ng mga guro, paaralan, at mag-aaral upang mapataas ang performance rating ng bansa sa PISA.

Sa gawaing ito ay ibinahagi ng DepEd ang mga planong aksyon sa kung paano mas mapag-iibayo ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa susunod na dalawang taon kahit nahaharap pa rin ang bansa sa malawakang krisis pangkalusugan at ang mga bata’y pinagbabawalang magka-roon ng face-to-face classes.

Payo ng Center for Educational Measurement, Inc., kabilang sa mga eryang dapat tutukan ng DepEd ay ang mismong reading difficulties sa math at science sapagkat mahirap umanong sagutan ang agham kung pagbasa at pag-intindi pa lamang sa tanong ay hindi na magawa ng mga kukuha ng pagsusulit.

Isang salik pa ang kawalan ng akses sa kompyuter at hina ng internet ng mga estudyante, dahil mabilis natututong magbasa kung ang bawat mag-aaral ay may sapat na akses sa lahat ng ma-teryales na maaari nilang gamitin sa pag-aaral.

Dumalo rin sa programa si Pasig City Science High School Principal Charlie Fababaer upang magbahagi ng mga payo, yamang PCSHS ang top-performing school noong PISA 2018.

“We make sure that they are adopting a student-centered pedagogy so that our students will have the ownership of learning. We do not spoon feed our students. It is important that they are given an opportunity to interact with other students of different backgrounds and abilities,” sabi ni Fababaer.

Matatandaan na noong 2018, ang Filipinas ang kulelat sa lahat ng bansa sa buong mundo pag-dating sa Reading, Mathematics, at Science.

Nais ng TWC na mahigitan ng Filipinas ang naturang mga iskor sa pamamagitan ng maagang pagsasanay sa mga guro at administrasyon ng mga paaralan, pagdedebelop ng bagong learning materials at practice tests, at istatistikal, kultural, akademikong pag-aaral sa resulta ng PISA 2018.