DEPED: MGA LGU ANG AMING KATUWANG SA PAGPAPATULOY NG EDUKASYON
PINASALAMATAN ni Education Secretary Leonor Briones ang mga lokal na pamahalaan sa buong suporta nito sa pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng kinakaharap na pandemya.
“They [local government units] came in full force, talagang they joined us in all our efforts,” sabi ni Briones sa isang virtual press briefing.
Ayon kay Briones, marami sa local government units ang nagdo-donate ng reproduction machines, nagmo-mobilize ng supplies ng papel at ink para maprodyus ang modular materials na kinakailangan ng ibang eskuwelahan.
Paliwanag niya, ang blended learning ay kombinasyon ng online, telebisyon, radyo at modular.
“Ang gusto ko lang i-emphasize kasi ang iba sinasabi ‘di kaya ang online eh sabi naman natin nandiyan naman ang telebisyon, nadiyan naman ang radyo at saka nandiyan naman ang modular. At saka ‘yung mga parent nagsasabi rin na mas preferred nila ang modular approach,” sabi pa ni Briones.
Nakatakdang magbukas ang klase sa Oktubre 5.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 24 milyon na ng mga mag-aaral mula public at private schools ang nag-enroll para sa 2020-2021 school year.