DEPED: MAHIGIT 34,000 ISKUL HANDA NA SA F2F CLASSES
MAHIGIT 34,000 paaralan ang handa nang magsagawa ng face-to-face classes, ayon sa Department of Education.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na noong Mayo 26, nasa 34,238 eskwelahan ang nominado para sa in-person classes sa buong bansa.
“Out of these 34,238 schools, 33,000 are public schools and 1,174 are private schools,” pahayag ni Briones.
Binanggit ni Briones na 73.28 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa ang handa nang magdaos ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya.
“Basta may clearance galing sa Department of Health, at saka sa tingin namin ay pumapayag naman ang mga local governments at saka may consent ng mga parents ay talagang itinutuloy na natin ang face-to-face classes,” ayon kay Briones.
Nauna nang sinabi ni Briones na umaasa ang DepEd na ang lahat ng paaralan ay magsasagawa ng face-to-face classes sa susunod na school year.