Nation

DEPED MAGING ‘REALISTIC’ SA KAHANDAAN SA ONLINE CLASSES — TEACHERS’ GROUP

/ 28 August 2020

NANAWAGAN ang Alliance of Concerned Teachers sa Department of Education na maging makatotohanan hinggil sa kahandaan sa online classes simula sa Oktubre 5, 2020.

Ayon kay ACT Secretary General Raymond Basillo, dapat aminin ng kagawaran kung kaya o hindi ang pagbubukas ng klase sa nasabing petsa.

Dapat din aniyang maging bukas ang DepEd sa mga guro sa paglalatag ng mga hakbang habang hindi umano dapat pagtakpan ang problema gaya ng pangangailangan sa kagamitan o mga computer o iba pang gadgets na gagamitin sa online classes.

Sinabi pa ng ACT na isa pang dapat hindi ilihim ni Education Secretary Leonor Brinones ay ang kasiguruhan ng connectivity na pangunahing gagamitin sa distance learning sa pamamagitan ng online learning.

Dagdag pa ng grupo, kabilang din sa dapat ikonsidera ay ang modules na gagamitin ng mga guro para maunawaan ng mga estudyante ang kanilang mga aralin.

Mungkahi pa ni Basillo sa kalihim, buksan ng DepEd ang isang heart to heart talk para magkatulungan sa pagbubukas ng klase at kung anuman ang mapagdesisyonan ay dapat mapakinabangan ng lahat, lalo na ang mga mag-aaral na matagal nang natengga bunsod ng Covid19 pandemic.

Giit pa ni Basillo, hindi na dapat pang maantala ang pagbubukas ng klase dahil nakaapekto na ito sa development ng mga bata.